Tiniyak ng mga lider ng Kamara na magiging transparent at patas ang isasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng umano’y korapsyon, pag-aaksaya, at substandard na implementasyon ng mga flood control projects.
Ito ay tugon sa matibay na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “even a whiff of corruption or abuse of power must not be ignored.”
Ayon kay House Deputy Speker Paolo Ortega kapag buhay ng tao ang nakataya bawal ang palusot at palakasan.
“Every peso we lose to corruption is a life left at risk when floods hit. This investigation is not about politics—it’s about justice,” wika ni Ortega.
Pinagtibay ng Kamara kamakailan ang House Resolution No. 145 upang magsagawa ng joint investigation ang tatlong komite ng Kamara— ang Public Accounts, Public Works and Highways, at Good Government and Public Accountability— sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Batay sa mga paunang ulat, mahigit ₱500 bilyon ang nailaan mula 2022, ngunit maraming komunidad sa Metro Manila at sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang patuloy na nalulubog tuwing malakas ang ulan. Sa Malabon at Navotas, nananatiling hindi pa rin naayos hanggang ngayon ang isang floodgate na nasira noong 2024—kahit nakalista itong “completed.”
Binigyang-diin naman ni Deputy Speaker Jay Khonghun na ibabatay ang imbestigasyon sa ebidensya at due process, ngunit tiniyak niya sa publiko na hindi ito mawawlan ng ngipin.
Pagtiyak ni Khonghun na ang gagawing imbestigasyon ay hindi “witch hunt” at hindi rin palabas.
“’Wag nating hayaang malunod sa baha ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno. Kailangang may managot,” dagdag pa ni Khonghun.
Layunin din ng imbestigasyon na magsilbing pundasyon para sa mga reporma sa batas upang matigil na ang pang-aabuso sa pondo ng imprastruktura. Kabilang sa mga tinitingnang panukala ang mas mahigpit na safeguards sa procurement, mas mahusay na project tracking system, at real-time transparency tools.
Giit ng mga mambabatas, kailangang maibalik ang tiwala ng publiko at patunayan na sa Bagong Pilipinas, hindi maaaring walang pananagutan.
“Walang sagrado. Walang untouchable. Kapag may sablay, dapat may panagot,” pahayag ni Khonghun.
Binigyang-diin ng Kamara na hindi lang karapatan ng sambayanang Pilipino ang isang imprastraktura hindi lamang sa papel ngunit isang gumaganang flood control system na nagpoprotekta ng buhay, kabuhayan, at dangal.