-- Advertisements --

Naobserbahan sa maritime domain awareness (MDA) monitoring ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagtaas ng presensiya ng mga barko ng China sa bisinidad ng Ayungin Shoal noong Miyerkules, Agosto 20.

Ayon sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, namataan ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) na nagsasagawa ng maneuvers at pagsasanay gamit ang water cannons sa karagatan habang ilang maliliit naman na rigid-hulled inflatable boats at fast boats ang idineploy sa loob mismo ng shoal.

“Some of the CCG’s fast boats were also observed to have been upgraded with mounted weapons, including heavy crew-served weapons”, ayon sa AFP.

Sa kabuuan, nasa limang CCG vessels ang present sa lugar na sinusuportahan ng 11 RHIBs/fast boats at siyam pa na Chinese maritime militia vessels.

Maliban sa mga barko, nagdeploy din ang China ng aerial assets nito kabilang na ang isang rotary aircraft at isang unamanned aerial vehicle.

Sa kabila nito, tiniyak ng Sandatahang Lakas na nananatili itong committed sa pagprotekta sa soberaniya ng bansa at sa mga tropang nakaistasyon sa lugar.

Ayon sa AFP, ang MDA activities ay bahagi ng patuloy na pagsubaybay at pagbibigay ng ulat sa developments sa West Philippine Sea.

Matatandaan, nananatili sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre na nagsisilbing outpost ng Pilipinas kung saan nakaistasyon ang mga tropang Pilipino para igiit ang soberaniya ng ating bansa sa WPS.