-- Advertisements --

Dumating sa Department of Justice ang mag-asawang Pacifico ‘Curlee’ at Cezarah ‘Sarah’ Discaya ngayong araw.

Unang dumating si Curlee Discaya kaninang pasado alas-otso ng umaga kasama ang mga bantay mula Senado o ang Senate Sergeant-at-Arms upang mapanitili ang seguridad.

Habang inaasiste at bantay sarado siya ng mga awtoridad, kapansin-pansin ang suot nitong bullet-proof vest sa kanyang pagbisita.

Pasado alas-dyis naman bago magtanghali ang pagsunod ng kanyang asawang si Sarah Discaya dito sa kagawaran.

Kasama ng mag-asawang Discaya ang kanilang abogadong si Atty. Cornelio Samaniego sa pagbisita ng dalawa sa tanggapan ng kagawaran.

Dito inaasahang mapag-uusapan ang kahilingan nilang mapasailalim sa witness protection program kaugnay sa pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects.

Ayon naman kay Justice Assistant Secretary Mico Clavano, nagpapakita aniya ito sa pagiging bukas ng kagawaran para sa mga nais makipagtulungan hinggil sa isyu.

Ngunit binigyang diin ni Assistant Secretary Clavano na makaseseguro umanong mapapanatiling ‘confidential’ ang anumang ilalantad ng mga ito.

Kaya’t panawagan niya sa mga nais tumayo bilang testigo na maging totoo sa kanilang mga ibabahaging impormasyon sa kagawaran.