DAVAO CITY – Napatay sa taga ang isang mag-asawa sa bayan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental makaraan silang tagain ng isang pastor.

Kinilala ang pastor na isang Ojil Lakina ng Sitio Gasi, Barangay Marabatuan, Jose Abad Santos.

Unang pinatay ng pastor ang kanyang adopted daughter na kinilalang si Marimar Muntad at ang mister nitong si Gener Muntad.

Dakong alas-7:00 ng umaga ng Lunes, may bitbit umanong itak ang pastor at kinausap ang kanyang adopted daughter ngunit nang hindi raw sila magkasundo ay pinagsasaksak nito ang biktima.

Sumaklolo naman si Gener sa kanyang misis ngunit pati siya ay pinagtataga ng pastor.

Kahit ang kapitbahay ng mga biktima ay hinabol din sa taga ng pastor kung saan nasugatan ito sa likod.

Nang mahimasmasan, kaagad sumuko si Lakina sa mga tauhan ng Jose Abad Santos PNP.

Inihahanda na ang kasong murder at frustrated murder na isasampa laban sa pastor.