Ibinunyag ng Department of Justice (DOJ) na sangkot umano ang ilang miyembro ng kapulisan sa likod ng naganap na pagdukot at pagkawala ng mga biktimang sabungero.
Kinumpirma mismo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mayroong ilang mga pulis ang hinihinalang kasabwat ng isang makapangyarihan at maimpluwensyang indibidwal na itinuturing bilang ‘mastermind’ sa naturang kaso.
Ayon sa naturang kalihim, kabilang ito sa kanilang masusi pang iniimbestigahan kasunod ng mga isinawalat ng testigong lumantad.
Matatandaan na una raw ng nakausap ni Justice Secretary Remulla ang testigong lumantad na kinilala bilang si alyas ‘Totoy’ noon pang bago mag-eleksyon.
Kung saan, ibinahagi nito kamakailan na pinatay ang mga nawawalang sabungero at inilibing umano sa bahagi ng Taal Lake.
Dagdag pa ng naturang kalihim, hindi lamang mga grupo ng pulis ang maaring sangkot kundi mayroon pang organisadong samahan ng mga sabungero na siyang may pakana sa naganap na krimen.
Aniya’y nasa dalawangpung mga indibidwal ang kanilang iniimbestigahan na kabilang sa mga kasabwat ng itinuturong ‘mastermind’ ni alyas Totoy.
Kaya’t bunsod nito’y, aminado si Justice Secretary Remulla na hindi maitatangging makapangyarihan at hindi lamang basta ordinaryong indibidwal ang kanilang iniimbestigahan.
“Very powerful ito, dahil tsaka merong grupo pa yan… Meron pa tayong grupo ng police officers na involved. Marami tayong involved dito. Hindi ito basta basta,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
Kaya naman itinuring ng naturang kalihim ng DOJ na ang mga sangkot sa kaso ay isang organisadong grupo.
Bunsod nito’y makakaasa umano ang publiko na kanilang ginagawa ang lahat para lamang maresolba at matukoy ang katotohanan sa likod ng pagkawala ng mga biktimang sabungero.