-- Advertisements --

Magiging maaliwalas ang panahon sa Metro Manila at sa iba pang lugar sa bansa ngayong Linggo, ayon sa state weather bureau. 

Inaasahang makararanas ng magandang panahon ang Metro Manila at malaking bahagi ng Luzon, bagama’t may posibilidad pa rin ng mga localized thunderstorms.

Magdadala naman ang southwest monsoon o habagat ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Ilocos Region, Batanes at Babuyan Island. 

Samantala, sa Visayas at Mindanao, patuloy na mararanasan ngayong Linggo ang bahagyang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan. 

Patuloy namang binabantayan ng state weather bureau ang ang Severe Tropical Storm Podul na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) kaninang alas-tres ng madaling araw. 

Namataan ito sa layong 1,875 km East ng extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hangin na 110 km/h malapit sa gitna at bugso na aabot sa 135 km/h habang kumikilos pa-Kanluran sa bilis na 15 km/h.