-- Advertisements --

Nakataas sa Signal No. 2 ang ilang lalawigan sa bansa dulot ng Bagyong Ramil. 

Ayon sa 11pm bulletin ng state weather bureau, nakataas sa Signal No. 2 ang ilang bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Benguet, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Quezon (kabilang ang Polillo Islands), Camarines Norte, Catanduanes, Camarines Sur, Albay, at Sorsogon.

Samantala, Signal No. 1 naman ang nakataas sa Cagayan, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, nalalabing bahagi ng Central Luzon, CALABARZON, at Bicol Region, gayundin sa Northern Samar, Eastern Samar, at Samar.

Napanatili ni Ramil ang lakas habang ito ay kumikilos pahilagang-kanluran sa bahagi ng mainland Bicol. 

Ayon sa ahensya, tinatayang nasa paligid ng Calabanga, Camarines Sur ang sentro ng bagyo bandang alas-10 ng gabi.

Taglay nito ang hanging may bilis na 65 km/h malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 110 km/h, habang kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h.

Inaasahang tutuloy ang Bagyong Ramil sa Polillo Islands, madaling-araw ng Linggo, bago tuluyang mag-landfall sa Aurora sa umaga o tanghali ng Oktubre 19. Posible rin umanong daanan ng bagyo ang hilagang Quezon o timog Isabela.