-- Advertisements --

Patuloy na humihina ang Typhoon “Uwan” habang ito ay lumalayo sa Ilocos Region, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa kanilang 5:00 PM tropical cyclone bulletin nitong Lunes, Nobyembre 10.

Matatagpuan ang sentro ng bagyo sa layong 175 kilometro kanluran ng Sinait, Ilocos Sur, taglay ang hanging umaabot sa 120 km/h malapit sa gitna at pagbugsong hangin na hanggang 150 km/h.

Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 10 km/h.

Sa kabila nito, itinaas parin ng state weather bureau ang Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) No. 1 at 2 sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang ang Batanes, Cagayan, Apayao, Abra, Ilocos Region, at ilang bahagi ng Cordillera at Central Luzon, gayundin sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya.

Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo ngayong gabi ng Lunes, Nobyembre 10, o sa Martes ng umaga Nobyembre 1. Gayunman, posible umano itong muling pumasok sa PAR sa Miyerkules, Nobyembre 12 habang tatama sa timog-kanlurang bahagi ng Taiwan, bago tuluyang humina at maging remnant low sa Biyernes, Nobyembre 14.