-- Advertisements --

Nagbabala ang state weather bureau,  sa posibilidad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng bansa ngayong Linggo, Oktubre 26, 2025, bunsod ng Low Pressure Area (LPA) at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na nakaaapekto sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao.

Sa ulat ng weather bureau, namataan ang LPA bandang alas-3:00 ng madaling-araw sa layong 210 kilometro silangan ng General Santos City. Nakapaloob ito sa ITCZ na kasalukuyang nakaaapekto sa Palawan, Visayas, at Mindanao, habang ang Shear Line naman ay nagpapadala ng mga ulap at pag-ulan sa Extreme Northern Luzon.

Dahil dito, asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at pagkidlat-pagkulog sa mga rehiyon ng Caraga, Davao, Northern Mindanao, Eastern Visayas, pati na sa mga lalawigan ng Albay, Masbate, at Sorsogon. Babala ng PAGASA, maaaring magkaroon ng flash flood o landslide dahil sa katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan.

Sa natitirang bahagi ng Mindanao, Visayas, at Palawan, maaari ring makaranas ng mga pag-ulan dahil sa epekto ng ITCZ. Samantala, ang Batanes at Babuyan Islands ay makararanas ng mga pag-ulan na dulot ng Shear Line, habang ang Aurora at Quezon ay apektado ng Easterlies. 

Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga panandaliang pag-ulan o pagkulog-pagkidlat, na maaari pa ring magdulot ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa kapag malakas ang thunderstorm.