Nananatili ang suporta ng grupong Mayors for Good Governance (M4GG) sa naging desisyon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na bumitiw bilang miyembro ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), kasunod ng mga isyung bumabalot sa umano’y ghost at substandard projects.
Ayon sa grupo, kinikilala nila ang paninindigan ni Magalong para sa transparency at accountability, at naniniwala silang bahagi ito ng mas malawak na laban para sa mabuting pamamahala.
Naglabas din ng pahayag ang Quezon City government na nagpapaabot ng tiwala kay Magalong bilang convenor ng M4GG at katuwang sa pagsusulong ng reporma sa pamahalaan.
Kaugnay nito, inanunsyo ng mga alkalde ang plano nilang magsagawa ng sariling imbestigasyon sa mga proyektong tinutukoy ni Magalong, at nangakong ibabahagi ang mga resulta sa ICI upang makatulong sa mas malalim na pagsusuri.
Iginiit ng grupo na hindi dapat balewalain ang mga alegasyon, lalo’t may epekto ito sa tiwala ng publiko sa mga proyekto ng pamahalaan.
Nanawagan din ang M4GG sa iba pang lokal na opisyal na maging mapagmatyag at makiisa sa pagsusulong ng integridad sa serbisyo publiko.
Sa kabila ng pagbibitiw, nananatili si Magalong bilang aktibong lider ng Mayors for Good Governance at patuloy na magsusulong ng mga inisyatibo para sa good governance.
















