-- Advertisements --

Tiniyak ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa na “Fully enforced” na ang enhanced community quarantine sa buong Luzon epektibo kaninang hatinggabi.

Sinabi ni Gamboa na bago pa man ipatupad ang Luzon-wide quarantine, nakapaglatag na ang PNP ng 773 community quarantine stations sa Northern Luzon, Cordillera, Cagayan Valley Region, Central Luzon, CALABARZON, at Bicol Region.

Ayon kay Gamboa nasa 4,374 police personnel ang nagmamando sa nasabing mga stations na suportado ng AFP at Philippine Coast Guard.

Sinabi pa ni PNP chief, ang lahat ng anim na Police Regional Offices sa Luzon bukod sa National Capital Region ay naka full alert epektibo pa noong Biyernes March 13,2020.

Nakahanda din aniya ang mga ito na magbigay ng “augmentation” sa NCRPO kung kinakailangan para sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Metro Manila.

Naging kapansin-pansin din ngayong araw ang hindi pa rin pagsunod ng maraming mga mamayan sa Metro Manila sa abiso ng pamahalaan na manatili nalang sa bahay para maiwasan ang pagkalat ng Covid 19.

Sa kabilang dako, inamin ni PNP Deputy chief for Operations Lt Gen. Guillermo Eleazar na binigyan nila ng pagkakataon ang ilang mga indibidwal para makauwi sa kanilang mga tahanan para duon na mag home quarantine.

Sinabi ni Eleazar simula bukas mas mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine ang kanilang paiiralin partikular ang transportation ban.

Kanina maraming mga taxi at bus drivers na ang sinampolan ng PNP Highway Patrol Group.