Pinangunahan ni Ako Bicol Party-List Representative Elizaldy Co, katuwang ang National Electrification Administration (NEA), Albay Electric Cooperative (ALECO), at sa pahintulot nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez ang pamamahagi ng mga solar energy units sa 257 pamilya na nakatira sa pinaka-liblib na lugar sa bayan ng Rapu-Rapu sa Albay.
Ang nasabing proyektong ay pinondohan ng gobyerno para sa pagsusuply ng malinis, ligtas, at tuloy-tuloy na kuryente sa mga lugar na matagal nang napagiwanan.
Ayon kay Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co na ang solar power ay pag-asa at liwanag para sa mga matagal nang napabayaan sa Albay.
Sinabi ng Kongresista na ang dating pangarap, ngayon ay isa nang realisad para sa daan-daang pamilya.
Naniniwala si Co na sa pamamagitan ng nasabing proyekto, matatapos na ang paghihirap na nararamdaman ng mga kababayan natin at ang kadiliman sa kanilang lugar.
Si Rep. Co ang siyang nagpanukala ng solar project noong siya ay Chairman ng House Committee on Appropriations.
“Ang solar power ay nagbibigay hindi lang liwanag, kundi dignidad at pag-asa sa mga kababayang matagal nang namumuhay sa dilim tuwing gabi,” giit ni Rep. Co.
Para kina Emy Rose Berba, 23-anyos isang online teacher, at Loreta Bola, 80-anyos na residente ng isla, ang solar panel ay hindi lamang kuryente ito ay simbolo ng pagbabago.
Bawat kabahayan ay nakatanggap ng kumpletong Solar Home System na may kasamang solar panel, apat na bumbilya, charging port para sa cellphone, transistor radio, battery storage, at inverter hindi lang liwanag ang hatid kundi kaginhawaan at seguridad.
May minimal na bayad na ₱7 kada araw para sa maintenance upang masigurong magpapatuloy ang serbisyo. Libre ang pagkakabit at kagamitan.
Samantala, sa Sitio Dinagsaan, Brgy. Hacienda, San Miguel Island sa Tabaco City, 50 pang kabahayan ang nakatanggap ng solar homes system units patunay ng lawak ng saklaw ng programa at pagtutok sa inclusive development.
Itinutulak ni Pangulong Marcos ang 100% electrification sa pagtatapos ng kanyang termino, muling pinagtitibay ni Co at ng Ako Bicol Party-List ang kanilang paninindigan—na walang Pilipinong maiiwan sa pagsulong ng progreso at patas na akses sa enerhiya.