Naniniwala si dating Senador at Congressman elect Leila de Lima na labag sa 1987 Constitution ang hakbang ni Senate President Francis Escudero na ipagpaliban ang pagtalakay ng impeachment articles laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay De Lima, malinaw sa Article XI, Section 3(4) ng Konstitusyon na kapag may verified impeachment complaint na pirmado ng hindi bababa sa one-third ng mga miyembro ng Kamara de Representates, dapat agad-agad simulan ng Senado ang paglilitis.
“Yes, yes, that’s always been my position, that is clearly violative of what the Constitution says — forthwith is forthwith. And it’s been delayed a few times already,” ani De Lima sa isang panayam matapos makipagpulong sa mga miyembro ng House minority.
Matatandaan na ang impeachment complaint kay VP Duterte ay nakakuha ng 215 na pirma ng mga kongresista — lampas sa hinihinging one-third ng Kamara.
Una narito, inilipat ni Escudero ang presentation ng impeachment articles mula Hunyo 2 (ang muling pagbubukas ng sesyon) sa Hunyo 11. Giit ni De Lima, ang paglilitis ay hindi opsyonal, at obligado ang Senado na kumilos bilang impeachment court.
Nauna nang pinadalhan ni Escudero ng imbitasyon ang Kamara noong Mayo 23 para magsimula ang proseso sa Hunyo 2, ngunit biglang nagpadala ng panibagong liham noong nakaraang linggo upang ipagpaliban ito.
Samantala may agam-agam ngayon ang ilang legal experts na posibleng maapektuhan ang ligalidad ng proseso kung ang 20th Congress ang hahawak ng impeachment na isinampa sa ilalim ng 19th Congress.
Ngunit ayon kay De Lima, gaya ng mga regional trial court, maaaring magbago ang komposisyon ng impeachment court, ngunit hindi nawawala ang hurisdiksyon.