-- Advertisements --

Nanindigan ang isang state auditor na may iregularidad sa paggamit ng Office of the Vice President (OVP) sa P375 million confidential funds noong 2023.

Sa ika-15 araw na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, sinabi ni Commission on Audit (COA) Intelligence and Confidential Funds Audit Office auditor Xylene del Campo na kulang ang mga dokumentong isinumite ng OVP para mapatunayan ang paggasta ng confidential funds.

Kabilang dito ang bayad sa mga reward, na ayon kay Del Campo ay walang sapat na dokumentong nagpapatunay sa naging resulta ng information gathering o surveillance na batayan ng pagbabayad.

Wala rin umanong naibigay na karagdagang dokumento para matukoy at mapatunayan ang ilang biniling supplies, medical at food aid.

May nakita rin umanong iregularidad ang COA sa reimbursement ng mga gastusin, kabilang ang surveillance expenses.

Ayon kay Del Campo, hindi maaaring gamitin ang confidential funds para sa reimbursement dahil labag ito sa Joint Circular No. 2015-01, na nagtatakda ng mga panuntunan sa paggamit ng confidential at intelligence funds.

Sinabi rin ng auditor na hindi saklaw ng mandato ng OVP at Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng confidential operations.

Samantala, hindi nakapagbigay ng tiyak na sagot si Del Campo kung tunay o kathang-isip lamang ang mga pangalan ng ilang recipient ng confidential funds na tinukoy ng depensa bilang tila “funny names.”

Sa pagtatanong ng defense counsel na si Atty. Kristine Ferrer kung nangangahulugan bang hindi peke ang mga naturang pangalan, sinabi ni Del Campo na hindi niya iyon masasagot.

Kinuwestiyon din ng depensa ang pagsusumite ng COA ng audit documents tungkol sa confidential funds sa House panel na nagsagawa ng imbestigasyon sa paggamit ng pondo ng OVP at DepEd.

Ipinaliwanag ni Del Campo na isinumite ng COA ang mga dokumento bilang pagsunod sa utos ng House panel.

Samantala, sinabi ng House prosecution team na umaasa silang patuloy na magiging maluwag ang Senate impeachment court sa mga pahayag ng mga partido habang nagpapatuloy ang paglilitis.

Nauna rito, nagbabala si Senate impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero laban sa paglabag sa sub judice rule o pagtalakay sa merito ng kaso habang nagpapatuloy ang trial.

Pinagsabihan din ni Escudero ang mga abogado ng depensa at prosekusyon na hinaan ang tensiyon sa paglilitis matapos ang pagtatalo nina Ferrer at private prosecutor Lorna Kapunan tungkol sa paggamit ng misleading questions sa cross-examination.

Sa huling bahagi ng sesyon, inanunsyo ni Escudero ang bagong subpoenas para sa dalawang dating special disbursing officers na nagsilbi sa mga ahensiyang pinamunuan ni VP Sara.

Kabilang dito sina Gina Acosta, dating SDO ng OVP, at Edward Fajarda, na naging SDO ng DepEd noong kalihim pa nito si Duterte.

Inatasan silang tumestigo sa impeachment trial sa pagitan ng Agosto 17 at 19.