‘Wala umanong nakitang kumpirmadong impormasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa pagkakakilanlan ng sinasabing “hitman” na umano’y kinontrata ni Vice President Sara Duterte para saktan sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ito ang sinabi ni NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa ikaapat na araw ng impeachment trial ni VP Sara.
Ayon kay Lotoc, sinubukan ng NBI na alamin ang pagkakakilanlan ng umano’y kinontratang tao sa pamamagitan ng pagkuha ng impormasyon mula sa mga taong may kaugnayan sa online press conference kung saan sinabi ng Bise President ang kontrobersyal na pahayag.
Gayunpaman, sinabi ni Lotoc na wala silang nakuhang sapat at beripikadong impormasyon upang matukoy kung sino ang sinasabing “hitman.”
“Hindi ho kami nakapag-establish ng validated information, na confirmed. Sa ngayon ay naghihintay pa rin po kami,” pahayag ni Lotoc.
Ayon kay Lotoc, sineryoso ng NBI ang mga sinabi ng bise presidente dahil nagmula umano ito sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Samantala, itinanggi ng defense team ni Sara Duterte ang alegasyon na may kinontratang tao para isagawa ang nasabing plano. Ayon sa abogado ng depensa na si Atty. Mark Vinluan, maghahain sila ng mga ebidensiya upang patunayan ang kanilang panig.
Sinabi rin ng depensa na maghahain sila ng saksi kaugnay ng umano’y “Operation Romanov” na sinasabing plano laban naman kay Vice President Duterte at kanyang pamilya.
















