Nagsagawa ang Southern Theater Command Navy (STCN) ng China ng combat readiness patrols sa pinagtatalunang Scarborough shoal ngayong araw ng Sabado, Mayo 31 base sa ulat mula sa official state news agency ng China.
Ayon sa report, patuloy ang pagpapaigting pa ng Chinese navy ng pagpapatroliya at surveillance sa nakapalibot na katubigan at himpapawid sa lugar para palakasin pa ang kanilang kontrol sa mga kaugnay na maritime at aerial domains.
Ito ay sa kabila pa ng patuloy na paggiit ng Pilipinas ng soberaniya nito sa naturang shoal na tinatawag din bilang Bajo de Masinloc o Panatag shoal na mayaman sa yamang dagat.
Ang naturang shoal din ay matatagpuan sa 125 nautical miles mula sa Masinloc, Zambales at pasok sa 200 nautical miles exclusive economic zone ng Pilipinas base sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).