Binigyang halaga ng isa sa mga co-convenor ng Atin Ito coalition ang naging desisyon ng Arbitration court sa pinag-aagawang teritoryo o bahagi ng karagatan na West Philippine Sea.
Kasabay ito ng kanilang isinagawang ‘civilian mission’ sa naturang teritoryo kaya’t ninais nitong ipaalala sa publiko ang naging pagkapanalo ng Pilipinas kontra sa bansang Tsina.
Ayon yan mismo sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Kiko Aquino Dee, co-convenor ng Atin ito coalition nang siya’y matanong hinggil rito.
Giit kasi niya na tanging ang Pilipinas lamang ang may konkretong pinanghahawakan na maipapakita at makapagpapatunay na naipanalo ng bansa ang kaso sa arbitration court noong 2016.
Ngunit hindi aniya isinasantabi ang mahirap na sitwasyong kinakaharap ng bansa dahil sa kakayahan at kapasidad na mayroon ang gobyerno ng Tsina sa pilit nitong pang-aangkin ng teritoryong hindi naman nila pag-mamay-ari.
Kaya’t gayon na lamang ang kanyang tapat na pag-amin kasabay ng pagmamalaki na malaking bagay para sa bansa ang naging pagkapanalo nito sa kaso ng teritoryong West Philippine Sea.
Ang naturang mga pahayag ni Kiko Aquino Dee, co-convenor ng naturang koalisyon ay kaugnay sa naganap na radio challenge ng China habang naglalayag ang sinasakyang barko na MV Kapitan Felix Oca.
Kung saan maririnig dito na mariing iginigiit ng China Coast Guard na walang karapatan umano ang bansa para magsagawa ng ganitong uri ng misyon o paglalakbay sa naturang bahagi ng karagatan.
Dahil dito ay ibinahagi naman ni Azril Omar, Coordination Committee Member ng World Forum for Fisher Peoples ang kalagayan ng mga mangingisda sa kasalukuyang sitwasyon sa West Philippine Sea.
Aniya’y mahirap ng makapangisda sa naturang bahagi ng karagatan kaya’t kanyang ikinababahala ang kabuhayan lalo na ng mga tao na tanging sa pangingisda ang ikinabubuhay.
Ngunit gayunpaman, ang mga karatig bansa naman ng Pilipinas ay nagpahayag ng kanilang pakikiisa sa pagsusulong ng kapayapaan sa West Philippine Sea.
Kung saan suportado umano nila ang isinusulong na mensahe ng Atin ito coalition na pagkakaisa sa kabila ng mga kontrobersiya o isyu sa naturang teritoryo.