Sinigurado ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatuloy ng kanilang operasyon laban sa mga pampublikong sasakyang lumalabag sa Anti-Overloading Policy, kasunod ng kautusan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon kaugnay ng kampanyang “Anti-Sardinas” na layong sugpuin ang sobrang siksikan sa mga pampublikong transportasyon.
Ayon kay LTO Executive Director Atty. Greg Pua, prayoridad sa kanilang operasyon ang mga pangunahing lansangang dinadagsa ng mga pasahero katulad ng Commonwealth Avenue, Marcos Highway, at España Boulevard.
Magtatatag rin ng mga special enforcement teams na tututok sa mga targeted na operasyon laban sa mga pampasaherong jeep at bus na lumalabag sa panuntunan.
Nagpaalala rin si Pua sa mga drayber na limitahan ang bilang ng pasahero upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. Binigyang-diin niyang bukod sa multa, may kaakibat ding demerit points ang paglabag na maaaring magresulta sa pagkakasuspinde ng lisensya.
Pinaalalahanan din ng LTO ang mga pasahero na iwasan ang pagsakay sa mga sobrang puno nang sasakyan para sa kanilang sariling kaligtasan.