Pinaigting pa ng Pagasa ang babala ukol sa epekto ng low pressure area (LPA) sa silangan ng Mindanao.
Namataan ito sa layong 70 km sa hilaga hilagang kanluran ng Surigao City, Surigao del Norte o 60 km sa silangan hilagang silangan ng Maasin City, Southern Leyte.
Pero ang epekto nito ay umaabot mula sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Maliban kasi sa namumuong sama ng panahon, naghahatid rin ng ulan ang extension ng cold front sa Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, Northern Samar, Samar at Eastern Samar.
Nananatili namang maliit ang tyansa nitong maging bagong bagyo sa loob ng susunod na dalawang araw.
Kaugnay ng sama ng panahon, nakapagtala na ng landslide sa Catanduanes, habang kanselado rin ang flights mula sa Metro Manila patungo sa naturang isla, pati na ang returning flights mula sa nasabing lalawigan.