Natukoy ng Department of Energy (DOE) ang mga posibleng lugar sa Palawan para sa exploration ng native hydrogen, kasunod ng isinagawang reconnaissance survey noong Agosto 12-15.
Pinangunahan ng pinagsamang technical team mula sa Energy Resource Development Bureau (ERDB) at Energy Research and Testing Laboratory Services (ERTLS) ang pagkalap ng mga sample ng tubig, gas, at bato mula sa mga hot spring at rock outcrops sa Sofronio Española, Narra, at Puerto Princesa City.
Ipinakita ng mga paunang resulta mula sa Kay’s Hot Spring sa Brgy. Sta. Lourdes at Bato-Bato Hot Spring sa Brgy. Calategas ang mga indikasyon ng natural na hydrogen.
Nabatid na ang survey ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Mimaropa, Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), at mga lokal na pamahalaan sa probinsya.
Sa kabilang banda ang nakuhang mga sample ay isasailalim sa laboratory analysis ng DOE upang matukoy ang potensyal nito sa clean energy development.
Bahagi ito ng mas malawak na inisyatiba ng ahensya para sa paggamit ng indigenous clean energy sources sa bansa.
Ang Palawan survey ay kasunod ng mga naunang pagsusuri sa Zambales at Pangasinan na isinagawa sa ilalim ng 2024 Philippine Bid Round.
Layon ng mga ito na suportahan ang mga service contractor sa pagpili ng tamang lugar at pamamaraan para sa clean energy exploration.
Nagsisilbi rin ang mga survey bilang paghahanda para sa kauna-unahang specialized training sa native hydrogen exploration, na gaganapin ngayong taon.