Kinumpirma ng state weather bureau na nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Depression Huaning ngayong Martes ng umaga.
Huling namataan si Huaning sa layong 650 kilometro silangan-hilagang silangan ng Itbayat, Batanes, taglay ang hangin na umaabot sa 55 kph at bugso na hanggang 70 kph.
Bahagyang bumilis ang bagyo habang kumikilos pa-hilaga patungong Ryukyu Islands sa Japan.
Nabatid na walang itinaas na tropical cyclone wind signal at hindi inaasahang babalik pa ang bagyo sa ating teritoryo dahil walang weather system na maaaring magpabago ng takbo nito.
Bagamat wala na si Huaning, ang easterlies na may mainit at humid na hangin mula sa silangan ang magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Bicol Region, MIMAROPA, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, at Quezon.
Paalala ng mga eksperto, mag-ingat sa posibleng flash floods at landslides dulot ng malalakas na pag-ulan sa mga nabanggit na rehiyon.