-- Advertisements --

Nanawagan si Pope Leo XIV sa lahat ng Katoliko sa buong mundo na magkaisa sa pag-aayuno at panalangin para sa kapayapaan ngayong Agosto 22, kasabay ng liturgical feast ng Queenship of Mary.

Ginawa ito ng Catholic pontiff sa pagtatapos ng kanyang lingguhang general audience sa Vatican.

Binigyang-diin ng Santo Papa ang patuloy na pagdurusa ng mundo dahil sa mga digmaan sa Ukraine, Holy Land, at iba pang bahagi ng mundo.

Aniya, habang patuloy na sugatan ang ating mundo dahil sa mga digmaan, inaanyayahan ang lahat ng mananampalataya na isabuhay ang Agosto 22 bilang araw ng panalangin at pag-aayuno.

Dapat aniyang humihiling sa Panginoon ng kapayapaan at katarungan, at ng paghilom sa mga luha ng mga nagdurusa.

Hangad niya ng pagkakaisa ng simbahan sa panalangin para sa kapayapaan, paggunita sa papel ni Maria bilang Reyna ng Kapayapaan, pagpapalalim ng espiritwal na pakikiisa sa mga biktima ng karahasan.

Ang panawagan ay bahagi ng matagal nang tradisyon ng Simbahang Katolika na tumugon sa mga pandaigdigang krisis sa pamamagitan ng espiritwal na pagkilos.

Maging si Pope Francis, ang kanyang predecessor, ay madalas nananawagan ng ganitong mga araw sa panahon ng mga digmaan sa Syria, Lebanon, at Gaza.