Kapansin-pansin umano ang mga nagiging pagbabago sa kilos ng mga barko ng People’s Republic of China kada magsasagawa ng Maritime Cooperative Activities (MCA) ang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasama ang ibang mga kaalyadong nasyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, nagkakaroon ng ‘slight change’ sa kanilang mga aksyon ngunit hindi sa ipinapakita nitong ugali sa tropa ng Pilipinas.
Ani Trinidad, posibleng ang mga presensiya ng mga foreign warships at maging foreign aircraft na siyang ginagamit sa mga aktibidad na ito ay ang nagtutulak sa kanila na ibahin ang kanilang mga kilos kung saan napansin ng tropa ng Sandatahang Lakas na wala silang naitatalang ginagawang mga agresibong aksyon mula sa China.
Kasunod naman nito ay napansin rin ng AFP na tsaka lamang muling magsasagawa ng mga dangerous manuevers at iligal na paglilibot sa WPS ang mga barko mula sa China kapag wala na ang presensiya ng mga foreign warships mula sa mga kaalyadong bansa ng Pilipinas.
Kaya naman maraming mga MCA ang nakatakdang isagawa ng Sandatahang Lakas sa mga susunod na buwan bilang bahagi pa rin ng pagpapalakas ng defense diplomacy sa ilalim ng patnubay ng Department of National Defense (DND).
Samantala, tiniyak naman ng AFP na patuloy na nagsasagawa ang kanilang hanay ng mga maritime patrols sa iba’t ibang bahagi ng territorial waters ng bansa partikular na sa Bajo de Masinloc at ilan pang bahagi ng Northern Islands.
Tiniyak rin ni Trinidad sa publiko na kahit kailan ay hindi umalis sa WPS ang kanilang tropa at patuloy na nakahanda upang makpagbigay ng kanilang tulong sa mga kababayang Pilipino sa anumang insidente.