Nanindigan at naniniwala si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro na walang pinagtatakpan ang administrasyon kaugnay pa rin sa mga nagpapatuloy na imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at maging ng Office of the Ombudsman hinggil pa rin sa mga maaanomalyang flood control projects sa bansa.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ng kalihim na bagamat naniniwala siyang walng ganitong siste ang administrasyon patungkol sa imbestigasyon ng mga naturang ahensya ay inihayag din niya na habang tumatagal ay hindi maiaalis sa publiko ang duda na posibleng ngang may mga pinagtatakpan sa imbestigasyon na ito.
Ito ay kaugnay sa mga ongoing investigations na hanggang sa ngayon ay wala pa rin aniyang naituturong personalidad matapos ang ilang buwan nang magsimula ang kanilang mga pagiimbestiga hinggil dito.
Samantala, inihayag din ni Teodoro na patuloy humihina ang estado ng bansa bunsod ng mga naging usapin at isyu tungkol sa korapsyon at maging sa politikal na aspeto dahilan para maging uhaw aniya ang taongbayan sa hustisya at pananagutan mula sa mga sangkot na mga personalidad sa mga isyu na ito.















