-- Advertisements --

Tuluyang winasak ng mga otoridad ang nasa halos P4 na milyong halaga ng ipinagbabawal na marijuana plants sa isinagawang operasyon sa kabundukan ng Sitio Batangan, Tacadang, Benguet.

Sa report na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cordillera, matagumpay na natunton ng pinagsanib na pwersa ng PDEA, National Bureau of Investigation (NBI), at Benguet Police Provincial Office (BPPO) ang nasabing taniman.

Umaabot sa kabuuang 2,050 square meters ang lawak ng plantasyon kung saan nadiskubre ang nasa 19,900 na piraso ng mga puno ng marijuana.

Tinatayang nasa P3,980,000 ang kabuuang halaga ng mga sinirang iligal na droga.

Agad na binunot at sinunog ng mga operatiba ang mga kontrabando sa mismong pinangyarihan ng operasyon o on-site.

Sa ngayon, nananatiling at large at hindi pa tukoy ang cultivator o nagmamay-ari ng naturang lupain.

Patuloy naman ang masugid na imbestigasyon ng PDEA at kapulisan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at masampahan ng kaukulang kaso.