Nagsagawa ang Philippine Navy at Australian Navy ng joint naval exercises sa may timog-kanlurang bahagi ng Lubang Island, Mindoro nitong Agosto 19 bilang bahagi ng Exercise Alon 2025, ang pinakamalaking edisyon ng naturang pagsasanay mula nang ito’y sinimulan noong 2023.
Lumahok sa drills ang BRP Jose Rizal (FF150) ng Pilipinas at Her Majesty Australian Ship (HMAS) Brisbane (DDG41) ng Australia.
Kabilang sa mga aktibidad ang paglilipat ng personnel, anti-submarine operations, night sailing, at communication drills na layuning palakasin ang interoperability, kahandaan, at kooperasyon sa maritime security ng dalawang bansa.
Ayon sa AFP, ang joint maneuvers ay patunay ng matibay na defense partnership ng Pilipinas at Australia, at ang kanilang iisang layunin na isulong ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Mahigit 3,600 personnel mula sa Pilipinas, Australia, Estados Unidos, at Canada ang kasali sa dalawang linggong pagsasanay mula Agosto 15 na magtatagal hanggang sa Agosto 29 sa Palawan at Luzon, tampok ang live-fire exercises, beach assault, at malawakang airlift.
Kasabay nito, nagpahayag ang Australia ng patuloy na suporta sa Pilipinas sa harap ng tensyon sa West Philippine Sea, lalo na matapos ang insidente ng banggaan ng 2 barko ng China habang hinahabol ang barko ng Philippine Coast Guard malapit sa Scarborough Shoal.