Nagtapos nang walang interference at walang naka-engkwentrong problema ang isinagawang maritime drills sa pagitan ng Pilipinas at Australia.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Education, Training and Doctrine Commander Maj. Gen. Francisco Lorezo Jr., wala silang naengkwentro na anumang banta habang naglalayag sa mga lugar sa WPS sa kasagsagan ng Exercise Amphibious Land Operation (Alon), na itinuturing na pinakamalaking iteration ng bilateral exercise sa pagitan ng Pilipinas at Australia mula nang simulan ito noong 2023.
Nauna na ngang nagsagawa ang naval forces ng Pilipinas at Australia kasama ang Canada ng multilateral exercise sa may silangan ng Panatag Shoal noong Miyerkules, na nagpamalas ng coordinated air defense drills at precision formation sailing bilang parte ng mas malawak pang Exercise Alon 2025.
Pinuna naman ng defense ministry ng China ang katatapos na maritime drills at inakusahan ang Pilipinas ng paglikom umano ng impluwensiya mula sa panlabas na pwersa at ang mga aksiyon umano ng bansa ang sumisira sa seguridad at katatagan sa rehiyon.
Subalit sa panig ng PH, sinabi ni Maj. General Lorenzo na ang biennial drills ay hindi laban sa anumang bansa o banta sa partikular na bansa na nanghihimasok sa mga aktibidad ng PH, sa halip, ito aniya ay paghahanda para sa pagdepensa sa ating teritoryo at pagpapalakas pa ng ating mga kapasidad sa teritoryo.
Sa closing ceremony pa ng Exercise Alon, sinabi ng AFP official na ang naturang drill sa pagitan ng PH at Australia ay para sanayin ang interoperability ng mga naval forces ng dalawang bansa.