Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., na tinanggal din ng mga sundalo ng Pilipinas na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre ang mga fishing net na inilagay ng Chinese maritime militia sa loob ng Ayungin Shoal.
Aniya, inatasan ng Western Command ang mga tropa na putulin ang mga lambat upang manatiling bukas ang galaw sa loob ng bahura.
Una na ngang iniulat ni Gen. Brawner na matagumpay napigilan ng tropa ng Pilipinas ang tangkang paglapit ng isang maliit na sasakyang pandagat ng China patungo sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin.
Bagamat nasa paligid pa rin ng bahura ang Chinese vessels, malayo na aniya ang mga ito.
Magsasagawa naman aniya muli ng rotation at resupply mission ang AFP sa BRP Sierra Madre sa mga susunod na araw. Umaasa rin ang militar na patuloy na igagalang ng Beijing ang kasalukuyang pansamantalang kasunduan ukol sa mga resupply mission.
Inihayag naman ni AFP Western Command chief Vice Admiral Alfonso Torres Jr. na nananatiling alerto ang militar sa anumang posibleng insidente sa lugar
Ginawa ni Gen. Brawner ang pahayag sa kaniyang pagdalo sa Combined Joint Forcible Entry Operations (CJFEO) na isinagawa ng mga sundalong Pilipino at Australiano bilang bahagi ng Exercise Alon 2025 sa San Vicente, Palawan.