Iniulat ng isang US maritime expert na mag-isang hinaharap ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Cabra ang armada ng 22 Chinese vessels na namataang nagbabantay sa Scarborough Shoal ngayong Biyernes, Setyembre 19.
Sa isang post sa X, ibinahagi ni US maritime expert Ray Powell na nagpadala ang China ng walong barko ng China Coast Guard at 14 na maritime militia vessels sa lugar.
Aniya, ang presensiya ng mga barko ng China ay para bantayan ang bagong itinalagang nature reserve nito na “Huangyan Dao national nature reserve” sa Scarborough Shoal.
Matatandaan nauna ng inanunsiyo ng China ang pagtatalaga nito ng nature reserve sa lugar noong Setyembre 10.
Subalit, tinutulan ito ng panig ng Pilipinas sa pamamagitan ng paghahain ng panibagong diplomatic protest laban sa naturang plano ng China noong Setyembre 13.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang PCG kaugnay sa na-monitor na presensiya ng mga barko ng China sa lugar.