Itinanggi ni Navotas lone district Rep. Toby Tiangco na may “insertions” sa panukalang 2026 infrastructure budget ng kanyang distrito.
Ginawa ng mambabatas ang paglilinaw sa kaniyang privilege speech sa plenaryo ng House of Representatives nitong Martes, Disyembre 16.
Iginiit ni Tiangco na ang pagtaas ng P748 milyon sa pondo ng distrito ay pagbabalik lamang ng mga hindi tamang tinapyas na pondo.
Aniya, imposible umanong magkaroon siya ng insertion dahil hindi siya miyembro ng Committee on Appropriations.
Ipinaliwanag din niya na ang tamang batayan sa umento sa pondo ay ang NEP-restored, hindi ang House General Appropriations Bill, at sinabing ang Navotas ay dapat makatanggap ng P1.41 bilyong NEP-restored, subalit sa kakulangan na P1.48 bilyon, P748 milyon lamang ang naibalik.
Nilinaw din ni Rep. Tiangco na ang insertion ay tumutukoy sa pondong lihim o sekretong ipinasok, habang ang pondong dumaan sa second at third reading sa House General Appropriations Bill ay hindi maituturing na insertion.
Giit niya, natural lamang sa mga mambabatas na humiling ng karagdagang pondo para sa kanilang distrito.















