Matagumpay na sinubaybayan ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Cabra (MRRV-4409) ang dalawang barko ng China Coast Guard (CCG) malapit sa Bajo de Masinloc nitong Linggo, Nobyembre 23.
Sa isang statement, sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na minanmanan ng BRP Cabra ang CCG vessels na may bow numbers 4305 at 3305 matapos silang mamataan sa distansiyang 26.22 nautical miles silangan ng Bajo de Masinloc at higit sa 93 nautical miles mula sa Paluig, Zambales sa isinagawang regular na pagpapatroliya sa lugar.
Bagama’t 44 meters lamang ang BRP Cabra, mas maliit ito kumpara sa CCG 4305 na 134 meters at CCG 3305 na 111 meters, hindi natinag ang PCG at makailang ulit na inisyuhan ng radio challenge ang mga barko ng China at inutusang agad lisanin ang teritoryo ng Pilipinas.
Ipinaalam ng panig ng PCG sa CCG vessels ang mga paglabag sa Philippine Maritime Zones Act, Inited Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at 2016 arbitral ruling na pinawalang bisa ang malawakang maritime claims ng China sa pinagtatalunang karagatan.
Binigyang-diin din ni Comm. Tarriela na ang hakbang ay nagpapakita ng mandato ng PCG na ipagtanggol ang maritime zones ng Pilipinas at pigilan ang normalisasyon ng iligal na presensiya ng Chinese vessels, gamit ang parehong close-in monitoring tactics na matagal nang ginagamit ng China laban sa mga barko ng Pilipinas.
Ayon sa PCG, ang operasyon ay isinagawa nang propesyonal at ayon sa gabay ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ipagtanggol ang karapatan ng bansa nang mapayapa at hindi nagpapalala ng tensyon.
Matatandaan na ang Bajo de Masinloc, na nasa 124 nautical miles mula Masinloc, Zambales, ay matagal nang pinapasok ng agresibong Chinese patrols kahit ito pa ay nasa loob ng 200-nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
















