Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na magsasagawa ito ng public consultation ngayong Martes, Agosto 19, kasama ang 120 kinatawan mula sa pribadong sektor upang talakayin ang draft ng Carbon Credit Policy—isang hakbang na layong makahikayat ng mas maraming pamumuhunan sa malinis na enerhiya.
Ayon kay DOE Undersecretary Felix William Fuentebella, ang naturang polisiya ay “game-changer” sa energy sector dahil magbibigay ito ng malinaw na gabay sa pag-isyu, pamamahala, at pag-monitor ng carbon credits.
Sinisiguro rin nitong bawat toneladang nabawasang carbon dioxide ay totoo at mapapatunayan, bagay na magpapalakas ng tiwala at pamumuhunan sa climate solutions.
Layunin din ng polisiya na tiyakin ang environmental integrity, isulong ang transparency, at suportahan ang mga proyekto para sa pagbawas ng greenhouse gas emissions. Ito rin ay nakaangkla sa mga layunin ng Pilipinas sa ilalim ng Paris Agreement.
Matatandaang lumagda ang Pilipinas at Singapore ng isang kasunduan noong Agosto 2024 para sa kooperasyon sa carbon credits sa ilalim ng Article 6 ng Paris Agreement.