-- Advertisements --

Inanunsyo ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ang buong produksiyon ng asukal sa bansa para sa crop year 2025-2026 ay ilalaan lamang para sa domestic use, ayon kay SRA Administrator Pablo Luis Azcona.

Simula sa Setyembre 1, ang lahat ng asukal ay itatakda bilang “B” sugar o para sa local consumer lamang.

Habang ang milling season naman ay magsisimula sa Oktubre 1, kasunod ng tatlong taong transisyon upang maibalik sa huling bahagi ng taon.

Sa kabila ng pagkakaroon ng alokasyon mula sa U.S. tariff rate quota (TRQ), walang inilaan na asukal para sa export, dahil nananatiling mababa ang lokal na produksiyon kumpara sa pangangailangan ng bansa.

Umabot na kasi sa 2.084 million metric tons (MMT) ang kabuuang raw sugar output noong Hulyo 27, mula sa halos 26 MMT ng canes sa 405,000 ektarya.

Samantala humihiling naman ang SRA ng P8 billion para sa soil rejuvenation at small-scale irrigation, at karagdagang proposal na P1.2 bilyon para sa 20,000 ektaryang taniman ng high-yielding variety plantlets na naging susi sa pagtaas ng produksyon sa mga nagdaang taon.

Nagbabala naman ang SRA sa patuloy na infestation ng red-striped soft scale insects (RSSI) sa mahigit 3,200 ektarya sa Negros Island at Panay.