-- Advertisements --

May nakalaang espesyal na lugar sa impyerno para sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects ng gobyerno.

Ito ang iginiit ni Senador JV Ejercito kasunod ng pagsisiwalat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Top 15 flood control projects contractors.

Naniniwala ang senador na mayroong sikretong sabwatan sa naturang proyekto dahilan kung bakit hindi natutugunan ang problema ng malawakang pagbaha sa maraming lugar sa bansa.

Ayon kay Ejercito, hindi matututo at madadala ang mga nasa likod ng paulit-ulit na iregularidad sa flood control projects kung walang makukulong at mapapanagot.

Giit niya, walang natitinag dahil wala namang malalaking personalidad na nahuhuli at napaparusahan ng batas, kundi ang maliliit na taong nagamit lamang.

Iminungkahi rin ni Ejercito ang regular na pagpapalipat o reshuffling ng mga district engineer, batay sa pahayag ni Senador Panfilo Lacson na sa district level nagsisimula ang katiwalian.

Naniniwala si Senador JV Ejercito na malaking tulong ang intervention ng pribadong sektor upang maresolba ang problema sa baha.

Magugunitang isiniwalat ni Senador Ping Lacson ang umano’y modus ng ilang mambabatas na sabay ring gumaganap bilang contractor sa mga flood control project, na nagreresulta sa overpricing at mababang kalidad ng mga proyekto.

Ayon sa senador, sa ilalim ng “passing through” scheme, pwersadong magbabayad ang contractor ng lima hanggang anim na porsyento ng project cost kapag gagawa ng proyekto sa distritong kung saan contractor ang mambabatas o kamag-anak niya.

Aniya, awtomatikong nababawasan ang pondo ng proyekto dahil dito, at kapag isinama pa ang iba pang bayarin at komisyon, lalong lumiit ang halagang napupunta sa aktwal na konstruksyon.

Sa pagtataya ni Lacson, kadalasan ay halos 40 porsyento na lamang ng inilaang pondo para sa flood control o iba pang infrastructure project ang natitira matapos ang naturang modus at mga dagdag na bayarin.