Lumalabas sa panibagong monitoring ng US maritime expert na si Ray Powell na natapos na ng mga barko ng China ang kanilang search and rescue (SAR) operations sa may Panatag Shoal (Scarborough Shoal) .
Ito ay kasunod ng banggaan ng Chinese Navy warship at China Coast Guard (CCG) vessel sa naturang karagatan noong Lunes, Agosto 11 na nagbunsod ng pinsala sa parehong barko habang nakaiwas naman ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Suluan na hinabol ng dalawang Chinese vessels.
Bagamat wala pang kumpirmasyon mula sa China kung may nasugatang crew sa naturang insidente, ayon kay PCG spokesperson for the WPS Comm. Jay Tarriela, mayroong apat na Chinese personnel sa harapan ng CCG 3104 nang mangyari ang banggaan subalit hindi na nakita ang mga ito matapos ang insidente.
Pinaniniwalaan naman ng Filipino personnel na nahulog ang mga ito sa dagat.
Ayon kay Powell, tinatayang natapos ang operasyon ng Chinese vessels bandang alas-10:00 ng gabi nitong Martes, Agosto 12.
Matapos aniya ang naturang aktibidad, bumalik ang mga barko ng China sa kanilang standard pattern na pagpapatupad ng exclusion zone sa may Scarborough Shoal.
Nitong Martes, Agosto 12 unang iniulat ni Powell na namataan ang isang barko ng CCG at walong Chinese maritime militia vessels na nasa parallel sweep track na nagpapakita aniya ng tila pagsasagawa ng SAR ops matapos ang collision incident.