-- Advertisements --

Kasado na ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomalyang flood control projects sa darating na Martes, Agosto 19.

Ayon kay Senador Rodante Marcoleta, tututukan ng imbestigasyon hindi lamang ang mga contractor kundi pati ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno na kumukubra ng porsyento sa pondo ng proyekto, dahilan para bumaba ang kalidad at integridad ng mga flood control facilities.

Ayon kay Marcoleta, matapos kumubra ng kani-kanilang porsyento ang mga tiwaling kawani, ay katumbas na ng mahigit kalahati ng badyet ang nagagasta para sa aktwal na proyekto.

Nanawagan naman ang senador sa mga mamamayan na makiisa at magbigay ng impormasyon, larawan, at iba pang ebidensya na makatutulong sa imbestigasyon.

Naniniwala ang mambabatas na kaya itong siyasatin at matukoy ang salarin basta’t makikipagtulungan ang taumbayan. 

Gayunpaman, gaganapin ang organizational meeting at unang pagdinig, sa session hall ng Senado.