NAGA CITY – Patay ang isang lolo matapos na pagbabarilin sa Barangay Castañas, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Ceferino Barcelona, 66-anyos, residente ng Sitio Ulbok, Brgy Castañas sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alam na nakatanggap ang mga otoridad ng report galing sa mismong pamangkin ng biktima tungkol sa nasabing insidente.

Dahil dito, agad namang rumesponde sa lugar ang mga otoridad kung saan dito na natagpuan ang biktima na wala ng buhay sa loob ng top down tricycle na pagmamay-ari nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na habang nasa kalagitnaan ng pakikipag-usap si Barcelona sa kaanak nito na kinilala namang si Pedro Albuñan, ng mapansin ng witness ang isang papalapit na motorsiklo.

-- Advertisement --

Kasunod nito, nakita umano ng witness na bumunot ng baril ang angkas ng motor na nagsilbing ‘gunman’ at bigla na lamang pinaputukan ng suspek ang biktima.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala sa ulo at kanang bahagi ng dibdib ang biktima na naging dahilan para agad itong bawian ng buhay.

Samantala, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang cellphone ng biktima, perang nagkakahalaga ng P1,348 at dalawang bala galing sa baril na ginamit ng mga suspek sa krimen.

Sa ngayon, pinaghahanap pa rin ng mga otoridad ang mga hindi pa nakikilalang suspek matapos ang krimen, habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis sa nasabing insidente.