-- Advertisements --

Ibinunyag ng Bureau of Immigration (BI) ang labis na pagkakagamit sa backdoor channel ng bansa sa usapin ng human trafficking.

Ayon kay BI Deputy Spokesperson Melvin Mabulak, halos 50% ng mga Pilipinong biktima ng mga serye ng human trafficking na tuluyang naibabalik sa bansa ay kumpirmadong gumagamit sa mga backdoor channel.

Ito aniya ay labis na nagpapahirap sa trabaho ng BI dahil malawak ang coastline ng Pilipinas kung saan kailangang mabantayan ang lahat ng mga ito upang agad mapigilan ang mga sindikatong magtatangkang magbiyahe sa mga trafficking victim mula sa Pilipinas patungo sa iba pang bansa.

Ayon pa kay Mabulak, hiningi na ng BI sa Philippine Coast Guard na higpitan pa ang pagpapatrolya sa mga karagatan, lalo na sa mga lugar na maaaring maging tulay patungo sa iba pang bansa.

Samantala, ang iba pang human trafficking victims na hindi pinapadaan sa mga backdoor channel ay nakitaan din ng magandang travel profile.

Paliwanag ni Mabulak, dati nang nakapag-biyahe ang mga ito sa iba’t-ibang bansa bilang mga mangagawa o turista, kaya’t hindi gaanong kwestyunable ang kanilang profile, lalo na pagdating sa immigration counter.

Dahil sa naturang problema, halos araw-araw aniya na may ineendorso ang BI sa Inter-Agency Task Force against Trafficking para sa kaukulang imbestigasyon.

Giit pa ng opisyal, bahagi ng sistema ng human trafficking sa bansa ay dahil sa mga recruitment sa social media, kayat kailangan aniya ng maagap na monitoring ng iba’t-ibang ahensiya sa mga site.