NAGA CITY – Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang lola matapos na mabangga ng motorsiklo sa Brgy. Mabalodbalod, Tigaon, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Conchita Porto 76, at residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Cpt. Romeo Ranara, sinabi nito na tumatawid ang matanda nang mabundol ng motorsiklong minamaneho ni RJ Argones, 20, kasama si Ronel Ivan Manalansan, 21.

Pareho umanong nagtamo ng tama ang biktima at ang mga lulan ng motorsiklo na pare-parehong dinala sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician ang biktima.

Ito ang ikalawang aksidenteng naitala sa lugar kaya muling nagpaalala ang opisyal sa pag doble ingat ng mga motorista gayundin ang mga pedestrian.