-- Advertisements --

Patuloy na magpapaulan sa bansa ang habagat ngayong araw ng Martes, Hulyo 8.

Ayon sa forecast ng state weather bureau, inaasahang magdadala ang habagat ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na rain showers at thunderstorms sa Metro Manila, gayundin sa Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Occidental Mindoro, Batanes at Babuyan Islands.

Ang nalalabing parte naman ng Luzon partikular na sa may Bicol Region at nalalabing bahagi ng MIMAROPA at Cagayan valley region ay makakaranas ng isolated rain showers at thunderstorms bandang hapon o gabi.

Sa nalalabing parte naman ng Palawan, inaasahang makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na buhos ng ulan.

Sa may Visayas naman, maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan ang inaasahan sa parte ng Western Visayas partikular na sa may probinsiya ng Antique at Aklan.

Asahan naman ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin sa nalalabing bahagi ng Visayas na may kasamang isolated rain showers at thunderstorms lalo na sa dakong hapon at gabi.

Sa Mindanao, maulap din na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan ang inaasahan sa may Zamboanga Peninsula, BARMM at Sultan Kudarat dahil sa epekto ng habagat.

Maaliwalas naman na panahon ang asahan sa nalalabing parte ng Mindanao bagamat posible pa rin na maranasan ang isolated na mabibigat na pag-ulan mula hapon hanggang gabi. Kaugnay nito, pinagiingat ang publiko sa posibleng pagbaha at landslide lalo na kapag may malakas na thunderstorms.

Inaasahan naman na huhupa na ang mabibigat na pag-ulan sa mga susunod na araw kasabay ng inaasahang paghina na ng habagat nitong weekend.