-- Advertisements --

Inaasahang magpapatuloy pa ang maulap at maulang panahon sa mga susunod na araw kabilang na sa Bisperas at sa mismong araw ng Pasko.

Ayon sa state weather bureau, patuloy pa rin aniya kasing nakaapekto sa iba’t ibang parte ng bansa ang mga weather systems gaya ng hanging amihan, Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at shear line.

Sa weather forecast mula bukas, Disyembre 21 hanggang 23, patuloy na magdadala ang shear line ng maulap na papawirin na may dalang kalat-kalat na mga pag-ulan at isolated thunderstorms sa Cagayan Valley, Aurora at Quezon.

Maulap na kalangitan naman na may kalat-kalat na pag-ulan ang iiral sa CAR, habang sa nalalabing parte ng Luzon ay makakaranas ng bahagya hanggang sa maulap na papawirin na may dalang panaka-nakang mahihinang pag-ulan dahil sa amihan.

Sa Mindanao naman at maraming parte ng Visayas, makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may posibilidad ng localized rain showers o thunderstorms.

Samantala, sa araw naman ng Miyerkules, Bisperas ng Pasko hanggang sa Disyembre 26, magpapatuloy ang maulap na papawirin na may dalang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Bicol Region, Eastern Visayas at Quezon dahil sa shear line.

Habang makakaranas naman ang Cagayan Valley Region at CAR ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at sa Ilocos Region at nalalabing parte ng Central Luzon naman ay mananatiling iiral ang bahagya hanggang sa maulap na papawirin na may dalang panaka-nakang mahihinang ulan dahil sa amihan.

Sa Metro Manila naman at nalalabing bahagi ng bansa, bahagya hanggang sa maulap na papawirin sa kabuuan ang mararanasan na may dalang panandaliang rain showers o thunderstorms.

Kaugnay nito, pinapayuhan ang publiko lalo na ang mga bibiyahe ngayong holiday break na imonitor ang lagay ng panahon, manatiling alerto sa posibleng baha o landslides at ibayong pag-iingat sa gitna ng pabagu-bagong panahon.