-- Advertisements --

Itinuring ni House Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing na sukdulan ng matagal nang kampanya para sa transparency ang pagbubukas at pagla-live stream ng Bicameral Conference Committee (bicam) deliberations sa 2026 national budget.

Ayon kay Suansing, malinaw ang paninindigan ng Kongreso na gawing bukas, malinis, at may sapat na safeguards ang buong proseso ng badyet upang maiwasan ang pang-aabuso at matiyak na napupunta ang pondo sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.

Binigyang-diin niya na ang pampublikong bicam ay hindi isang beses na reporma kundi resulta ng mga pagbabagong sinimulan pa bago ang pormal na budget deliberations, kabilang ang pag-abolish ng “small committee,” pagbuo ng Budget Amendments Review Sub-Committee (BARSc), at pagla-live stream ng mga pagdinig at deliberasyon.

Kabilang din sa mga reporma ang People’s Budget Review, mas pinalawak na partisipasyon ng civil society, at pagbubukas ng amendment period sa lahat ng mambabatas.

Habang nagpapatuloy ang bicam, sinabi ni Suansing na inaasahan ng House ang pakikipagtulungan sa Senado upang mabuo ang isang 2026 budget na tunay na tumutugon sa pangangailangan ng sambayanang Pilipino.