Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government unit (LGU) na ipatupad ang preemptive o mandatory evacuation sa mga lugar na delikado bago posibleng tumama si Bagyong Nando sa hilagang bahagi ng Luzon.
Sa isang pahayag, binigyang-diin din ng DILG ang kahalagahan ng pagpapatupad ng no-sail policy at liquor ban para sa kaligtasan ng publiko.
Dapat din tiyakin ng mga lokal na pamahalaan na handa ang mga evacuation centers, lalo na sa suplay ng kuryente.
Hinimok din ng DILG ang tuloy-tuloy na pag-monitor sa lagay ng panahon, kahandaan ng mga health unit at response team, at paglilinis ng mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang panganib.
Bukod dito, bahagi rin ng mga kinakailangang hakbang ang inspeksyon sa mga quarry at mining site, at pagsusuri sa katatagan ng mga dam.