-- Advertisements --

Naniniwala si Atty. Harry Roque na ang pagkakatalaga ni Atty. Melvin Matibag bilang bagong National Bureau of Investigation (NBI) director ay isang gantimpala mula sa kasalukuyang administrasyon.

Inakusahan ng dating presidential spokesperson ang dati niyang kaalyado na ang pagkakatalaga niya sa NBI ay kapalit ng naunang paghahain ni Matibag ng disbarment complaint laban sa kaniya.

Kung babalikan kasi ay naghain si Matibag ng disbarment complaint sa Korte Suprema noong September 2024 laban kay Roque dahil sa pag-post ng dating kalihim ng umano’y mga pekeng video.

Papalitan ni Matibag si Atty. Angelito Magno na nagsilbing officer-in-charge ng NBI sa loob lamang ng ilang buwan.

Kung matatandaan ay nagsilbing Cabinet Secretary si Matibag mula March 2022 hanggang tuluyang bumaba sa puwesto si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Dati rin siyang nagsilbi bilang secretary general ng PDP Laban, ang partidong kinaaaniban nina dating Pang. Duterte, Atty. Harry Roque, atbpa.

Bago nito ay nagsilbi rin siyang general manager ng Manila International Airport Authority at president at chief executive officer ng National Transmission Corporation.