KALIBO, Aklan—Ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Malay at Aklan provincial government ang muling pagkabilang ng isla ng Boracay sa mga best island sa Asya sa 2025 Readers’ Choice Awards ng Condé Nast Traveler, isang prestihiyosong travel at lifestyle magazine sa United Kingdom.
Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay-Boracay Tourism Office, patunay ito na nasa top list pa rin ng mga dayuhang turista ang Boracay bilang nangungunang destinasyon ng mga ito sa kanilang pagbakasyon sa iba’t ibang bansa.
Batay sa datos na inilabas ng Conde Nast Traveler, pumwesto ang Amanpulo sa ika-5 sa “Best Resorts in the Rest of Asia” category na may 94.77% satisfaction rating, matapos kilalanin kamakailan lamang ng Michelin Guide bilang isang “very special stay” sa pamamagitan ng Michelin Key award.
Habang ang Boracay ay nakaakyat sa ika-4 na pwesto sa “Best Islands in Asia” list na may 92.65% rating, kunti lamang ang naging lamang nito sa Koh Lanta ng Thailand.
Nanguna sa talaan ang Bali at Lombok sa Indonesia habang Sri Lanka ang nasa ikatlong puwesto.
Sa parehong kategorya, ang Palawan ay pumwesto sa ika-5, kasunod ng Boracay, habang ang Siargao ay nakapasok din sa Top 10 sa ika-7 pwesto.
Nanguna sa mga ito ang Phú Quốc sa Vietnam, sumunod ang Langkawi sa Malaysia at Koh Samui sa Thailand.
Ang nasabing pagkilala ayon pa kay Licerio ay patunay sa patuloy na pag-angat ng turismo sa Pilipinas na ligtas puntahan ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo.