Pumoste ng panibagong triple-double si LeBron James para balikatin ang Los Angeles Lakers sa 120-116 pagdomina nila sa Denver Nuggets sa overtime.

Tumabo ng nakakalulang 32 points, 14 assists at 12 rebounds si James para sa kanyang ika-12 triple-double ngayong season.

Maliban kay James, nagbuhos din ng 33 points si Anthony Davis para umalalay sa Los Angeles, na tutungo na sa All-star break tangan ang four-game lead kontra sa second-place Denver sa Western Conference.

Gumanda rin sa 23-5 ang NBA-best road record ng Lakers.

Nakatipon naman ng 33 points si Jamal Murray upang pamunuan ang Nuggets, na natapos na rin ang four-game winning streak.

Nagpasabog ng 22 points at 11 rebounds si big man Nikola Jokic, ngunit na-foul trouble ito at nakagawa ng ilang krusyal na blunders sa extra period.

Sa iba pang NBA games, kinailangan ng Orlando Magic ang overtime period upang tuluyang makawala sa Detroit Pistons, 116-112.

Tinapos ng Cleveland Cavaliers ang kanilang 12-game home losing streak matapos tambakan ang Atlanta Hawks, 127-105.

Nagtagumpay din ang Washington Wizards nang dominahin ang New York Knicks, 114-96.