Ibinenta na ang kilalang NBA team na Los Angeles Lakers sa halagang $10 billion —ang pinaka mahal na presyo para sa isang sports team sa kasaysayan ng Estados Unidos, ayon sa ulat ng ESPN.
Nabatid na ang Buss family, ang nagmay-ari ng Lakers sa loob ng 47 taon, ay nagbenta ng kanilang kontrol sa koponan kay billionaire Mark Walter, isang kasalukuyang minority owner ng team at CEO ng TWG Global.
Gayunpaman, mananatili paring team governor si Jeanie Buss matapos mabenta ang NBA team.
Samantala, si Walter din ang may-ari ng Los Angeles Dodgers, Los Angeles Sparks, at iba pang sports properties.
Ayon kay NBA legend Magic Johnson, magandang balita ito para sa Lakers dahil si Walter ay may reputasyon at may history ng pagkapanalo at pamumuno.
Matatandaang nagdala ng 11 NBA championships ang Buss family sa Lakers mula noong 1979, kabilang ang mga panahong pinamunuan ito nina Magic Johnson at Kobe Bryant.