-- Advertisements --

Pumutok ang opensa ng Golden State Warriors matapos nitong tambakan ang Los Angeles Lakers sa opensiba ng NBA pre-season games sa pinal na score na 124-98.

Agad na nagpasiklab ang Warriors sa unang quarter pa lamang nang magrehistro ito ng 45 puntos laban sa 31 puntos ng Lakers, bago tuluyang pinalawig ang kanilang kalamangan sa 28 puntos sa pagtatapos ng unang kalahati ng laro, 81-53.

Bagamat naglaro lamang ng 14 minuto si Stephen Curry, nakapagtala pa rin ito ng 16 puntos kasama ang tatlong 3-pointers, habang nanguna naman ang rookie na si Yaxel Lendeborg na nag-ambag ng 17 puntos at siyam na rebounds para sa Golden State.

Sa panig ng Lakers, kinapitan ng koponan ang bagong sentro na si Sandro Mamukelashvili na kumana ng 15 puntos at isang block upang pangunahan ang kanilang iskoring sa gitna ng kabiguan.

Nakatakdang magsimula ang opisyal na NBA 2026-2027 Regular Season sa Oktubre 21, 2026 sa pamamagitan ng isang tripleheader match na tatampukan ng mga laban ng New York Knicks, San Antonio Spurs, Detroit Pistons, at iba pang mga koponan.