Sapat ang bulto ng mga family food packs na nakadeploy sa Northern Luzon na maaaring magamit sa relief operations kung sakaling lalo pang lumala ang epekto ng mga pag-ulan, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, walang dapat ipag-alala ang mga residenteng maaapektuhan at kailangang isa ilalim sa paglikas.
Sa kasalukuyan, wala pa aniyang naiulat ang mga local social welfare office na matinding naapektuhan ng mga pag-ulan at mga pagbaha ngunit nananatiling nakabantay ang mga ito sa epekto ng bagyo at habagat.
Binabantayan din ng DSWD ang mga lokal na pamahalaan na posibleng humiling ng karagdagang relief packs, sakaling magkulang ang mga hawak nilang supplies.
Sa ngayon, mahigit tatlong milyong family food packs ang naka-preposisyon sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at nakahandang magamit anumang oras.
Bukas din aniya ang mga local office ng DSWD upang umalalay sa mga LGU sa paghahatid ng supplies, hanggang sa mga geographically-isolated areas (GIDA).