-- Advertisements --

Pinatawan ng China ng sanctions si dating Sen. Francis Tolentino dahil sa mga naging pahayag nito tungkol sa China.

Matatandaang naging bahagi ng campaign advocacy ni Tolentino ang maigting na pagtuligsa sa mararahas na aksyon ng higanteng bansa laban sa ating mga kababayan sa West Philippine Sea.

Siya rin ang nagsulong ng binansagang Tolentino Law o ang Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act bilang proteksyon sa ating teritoryo.

Sa ilang pagkakataon ay sinabi ng dating Senate majority floor leader ang mabibigat na remarks laban sa China.

“Kung gusto ‘nyo po na mawala sa atin ang West Philippine Sea at mawalan ng trabaho ang libu-libong mangingisda, ‘wag nyo po akong iboto. Kung gusto ‘nyo po na masakop ng China, ang Pilipinas at gawin tayong alipin ng isang bansa na walang Diyos, ‘wag niyo po akong iboto. Kung gusto ‘nyo po na magkaroon tayo ng isang matatag na teritoryo ng Pilipinas, isang bansang may dangal, isang bansang ginagalang ng buong mundo, isang bansang maka-Diyos, tulungan ‘nyo po si Senator Tolentino, tulungan ‘nyo pong ipaglaban natin ang Pilipinas,” wika ni Tolentino.

Ayon naman sa Ministry of Foreign Affairs ng China, pagbabawalan na si Tolentino na pumasok sa China, Hong Kong, at Macao.

“For some time now, certain anti-China politicians in the Philippines have adopted a series of malicious words and deeds on China-related issues out of their own selfish interests, harming China’s interests and undermining China-Philippines relations,” saad ng kanilang pahayag.

Hindi pa naman naglalabas ng bagong pahayag hinggil dito ang kampo ni dating Sen. Tolentino.